Waving hello from space
A call to my generation.

May mali eh. Meron talaga. Hindi mo maikakaila na kahit napaka positibo, negatibo o sadyang wala ka lang pakialam na tao, na meron talagang mali sa mundong to. Hindi lang dito sa Pilipinas, kundi pati narin sa buong mundo.

Naaalala ko na meron akong napanood na programa, sa youtube na ang title yata ay “worst place to be a bus driver” at na feature ang mga jeep at mga jeepney drivers  ng Pilipinas. At para malagyan ng salitang “worst-” sa unahan ng kahit na anong may kinalaman sa bansa mo, e medyo… errr… basta, negative

Sa programa na ito, sinubukan ng isang driver ng isang luxury bus sa Inglatera manirahan dito sa Pilipinas sa loob ng isang linggo at subukan kung pano mamuhay ang isang jeepney driver. 

Solid ang buhay niya sa Inglatera, meron siyang sariling bahay na magmumukhang CR lang ata ang bahay namin pag ikinumpara mo. Coach din siya ng isang football team doon, bilang sideline. Pero sa tingin ko, hindi na niya masyadong tinuturing na sideline to, sa sobrang sikat ng football sa Inglatera e parang hobby nalang din nya, at nababayaran pa ata siya para dito. Nakakakain ang pamilya nya ng tatlong beses sa isang araw, kumpleto sa gamit, kumbaga above average life.

Hindi ko na kailangang sabihin na nahirapan si kuya. Sa tingin ko e, expected na naman ng kahit na sinong Pilipino na mangyari to.

Pero nagawa naman nya, nakapagbiyahe sya, namuhay ng isang linggo at talagang nagawa niya ang misyon nya sa programa. Tumulong din siya kay manong driver pagkatapos ng lahat, mga normal outreach stuff.

Ang hindi ko malilimutan na eksena ay nung nagusap sila nang masinsinan ni manong driver. Yung mga tanong niya ay sobrang tumatak sa isip ko at seryosong hanggang ngayon ay malaking parte ang ginagampanan sa pagtanaw ko sa buhay sa araw araw.

Eto ang mga tanong ni manong driver, hindi ito esksaktong mga salita pero ito ang mga nakuha ko sa eksena:

“Bakit ganun? Pareho naman tayong driver. Pareho naman tayong tao. Pareho naman tayong may pamilyang pinapakain. Pareho naman tayong nagbabanat ng buto. Pareho naman tayong may mga binabayaran, may pinapaaral, may pinapakain. Bakit ang hirap para sakin? Bakit parang kahit na anong gawin ko, palubog lang ng palubog ang buhay namin dito? Bakit parang sa bawat banat ko ng buto e palubog naman ako nang palubog sa kumunoy ng kahirapan? Bakit?”

Oo nga naman, seryoso, bakit? Dahil ba tamad ang mga Pilipino? (Na tanggapin na natin na meron talagang sobrang tamad tayong mga kababayan, pero hindi ko na sila bibigyang pansin dahil kailangan nilang pansinin muna ang sarili nila bago may pumansin sa kanila.) Dahil sa kurakot dito sa Pilipinas, na sobrang halata na at nakalakihan nalang natin kaya wala nang pumapansin? Dahil ba nawawalan na ng pakialam ang mga tao sa kapwa nilang mga tao? Dahil ba ang nasa isip nalang ng mga tao e kung pano magpayaman? Kung anong gagawin para makabili ng mga inaasam na mga materyal na bagay? Nawala na ba ang pagkatao natin na kaya na nating hindi bigyan ng pansin ang mga kapatid nating naghihirap? Seryoso, ganito na ba tayo kababaw na ang pinagiikutan ng mga mundo natin e well, pera?

Anlabo rin natin eh, lumalaban tayo para hindi maging alipin ng kapwa nating tao, e tayo rin naman e nagpapaalipin sa mentality ng pera at mga taong mukhang pera.

Isa pa, bakit ang hilig nating tratuhin ang kalikasan nang sobrang sama? Naaalala ko nung bata pa ako, mga 1995-ish. Pag tumingala ka sa langit pag gabi, kahit nasa Maynila ka pa e may makikita ka pang mga bituin. Maraming maraming mga bituin. Hindi mo kailanganang pumunta sa napakalayong lugar para lang mag star gazing, tingala lang. Hindi man ito kasing klaro ng mga nakikita mo pag napunta ka sa probinsya, ang mahalaga e, meron.

Ngayon, subukan mong tumingala. Literal na mabibilang mo ang dami ng makikita mong mga bituin sa langit. Ganito na ba talaga? Natabunan na ng usok ng industriya ang simpleng mga kasiyahan na tulad nito. Naiisip ba natin na sa dami na ng ginagawang kotse sa mundo na nasa kalsada ngayon, e hindi imposibleng maging isang malaking parking lot nalang talaga ang EDSA, at paglaon, ang buong mundo? Nasan na ang alternatibong enerhiya? Bata pa ako e naririnig ko na meron nang teknolohiya na mas malinis, at hindi nakakasira sa kalikasan? Diba’t tama lang na ang mga taong gumagawa ng mga teknolohiyang ito ay ang mga nararapat na pinapaliguan ng pera para sa research at produksyon nila? Naiisip ba natin na sa dami ng basurang nilalabas natin sa araw-araw, e hindi rin malayong maging dumpsite ang buong mundo? Gusto ba nating manirahan sa isang parking lot/dumpsite/smoke chamber? Siguradong hindi. 

Nakakalungkot na ang trato natin sa mundong ito ay isang balon na hindi nauubusan ng mga gamit na kailangan natin. Ang mundo ay buhay, konektado tayo sa kanya. Konektado tayong lahat. Kung masama ang trato natin sa isa’t-isa at sa mundong ito, at inuubos natin nang basta basta ang mga resources nito, e maghanda handa na tayo. Tayo rin ang papatay sa ating mga sarili

Madaming problema, napakarami. 

Pero, naniniwala ako na nasa atin din naman ang solusyon, nasa loob nating lahat; magbalik lang siguro tayo sa pagiging tao at manumbalik ang respeto natin sa mundong tinitirahan natin. Hindi ako relihiyosong tao, pero naniniwala ako na isa lang ang pakay natin sa mundong to. Ang mahalin ang isa’t-isa. Kung iisipin mo lang naman nang mabuti,  ito lang naman ang root ng isang napakagandang mundo eh. Magawa lang natin to, sa tingin ko e isa isa nang gagaan ang mga problema natin sa mundong to.

Ito ang tawag ko sa aking mga ka-henerasyon, pagbabago. Nasa atin na ang kapangyarihan ngayon. Tayo na ang papalit sa mga pwesto ng mga nakakatanda sa atin. Tayo na ang magsasabi ng mga plano natin para sa mga anak at apo natin. Buksan na natin ang ating mga utak. Napakaraming posibilidad, hindi lang ito ang mundo. Imposibleng ito lang. Imposibleng ito na ang template ng kinabukasan natin. Walang imposible, seryosong wala. Isipin mo nalang na pangarap lang ng tao dati ang paglipad, at dahil sa tiyaga e nagawa rin. Patapos na ang oras nila sa pagpapatakbo sa mundong sobrang kailangang baguhin, tayo naman. 

Aytenkyubaw.